Bulaklak na araw

mangarap.png

Mahal kong bulaklak na araw, sa paglipas ng init at ulan.
Patuloy kang lumalago at namumukadkad.
Gumaganda at nabibighani ang mga bubuyog sa iyong puring kaakit-akit.
Wag mong limutin, na ako’y isang kaibigang nagmamahal sayo.

Nang minsan sa hiram na buhay natin, tayo’y nagkasama;
Kahit na ako’y pataba lamang sa lupang iyong tinubuan.
Katabi ng mga uod at putik; kasakangkapan, sa iyong pamumukadkad.
Masaya ako na paunti-unti ay nagkakaroon ka ng saysay sa mundong ito.

Hindi man ako kagandahan, at madumi man sa tingin ng nakararami;
Sana’y malaman mo, na nandito pa rin ako, sayo’y nakaagapay.
At kung ikaw man ay pitasin at kunin ng mga kamay ng Prinsipeng araw;
Kahit ako’y iyong nilisan, magiging masaya ako para sa inyo.

At sa paglipas ng panahon. Kung ikaw man ay mangulubot.
Mawalan ng magandang kulay, at biglang manuyo;
Wag mong limutin, na ako’y nakaabang lamang sa mga binhi,
Na itatanim at didiligan ng isang masipag na palad.

Hihintayin ko muli ang iyong pag-laki at pag-lago.
Wag mangamba. Wag malungkot. Ika’y mamumukadkad muli.
Pagmamasdan ng mga bubuyog, ng prinsipeng araw at tagatanim,
ang iyong magagandang alulot na tila’y sumasayaw sa ihip ng hangin.

– Mangarap (Jaenara Bitao)